Robredo isusulong ang programa para sa urban poor
MANDAUE CITY, Philippines – Nangako si Liberal Party vice presidential bet Leni Robredo na ipupursige ang mga programang sinimulan ng yumaong asawa na si dating Interior Sec. Jesse Robredo para sa urban poor.
“Isa sa mga unang programa ng aking mister nang maupo siya bilang mayor ng Naga ay pabahay sa informal settlers,” wika ni Robredo sa kanyang pagbisita sa 6.5-hectare relocation site sa Barangay Paknaan dito.
“Pinakauna niyang inasikasong sektor ay ang urban poor. Ang programa niya para sa urban poor sa Naga ay ginawang modelo sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas,” dagdag pa niya.
Sa programa ng yumaong asawa, sinabi ni Robredo na nabigyan ang informal settlers ng relocation sites na malapit sa pagkukunan ng ikabubuhay.
“Ang informal settlers ay tinatrato bilang kapartner sa pag-unlad,” paliwanag ni Robredo.
Sa kanyang pulong sa urban poor sector, inaalala rin ni Robredo ang mga huling oras ni Sec. Jesse, na bumisita sa Cebu bago bumagsak ang sinasakyang eroplano noong August 2012.
“Kahit wala na ang asawa ko, kapag nakikita ko kayo, ang pakiramdam ko, buhay na buhay pa rin ang asawa ko sa isip at puso ninyong lahat,” wika ni Robredo.
Isang abugado ng mahihirap, nagtrabaho si Robredo kasama ang mahihirap na komunidad sa loob ng dalawang dekada bago tumakbo bilang kongresista noong 2013.
- Latest