Tolentino sa publiko: Maging alerto
MANILA, Philippines – Kinondena ni senatorial candidate Francis Tolentino ang naganap na pag-atake ng mga terorista sa Paris, France na nag-iwan ng higit sa 120 patay.
“Nananalangin po tayo para sa mga biktima ng madugong karahasan ngayon sa Paris, France. Sagrado ang buhay ng tao at kinokondena po natin ang lahat ng paglapastangan dito,” ani Tolentino.
Tulad ng iba, nakikiramay si Tolentino sa naiwang pamilya ng mga nasawi. Kasabay ito ng panawagan sa publiko na pairalin ang pinakamataas na pag-alerto at pagiging mapagmatyag sa posibleng terorismo na tumama sa bansa.
Sinabi nito na natutunan niya bilang dating pinuno ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagkakaroon ng pinakamataas na alerto lalo na at gaganapin sa bansa ang APEC Summit na dadaluhan ng nasa 20 pinuno ng iba’t ibang bansa.
Kailangan rin umano ng kooperasyon at commitment ngayon ng mga pinuno ng 17 lider ng mga local na pamahalaan sa Metro Manila para sa “disaster preparedness” para sa anumang uri ng emergency.
- Latest