Paris terror attacks: 128 patay!
MANILA, Philippines – Nasa 128 katao ang namatay at marami pa ang sugatan sa coordinated terror attacks sa iba’t ibang lugar sa Paris, France.
Ayon sa report, karamihan sa mga nasawi ay mga dumalo sa isang rock concert.
Walong terorista naman ang nasawi, pito rito ay mga suicide bombers.
Sa kabila nito, sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na wala pa silang natatanggap na ulat mula sa Embahada na may Pinoy na nasawi o nasugatan sa pag-atake.
Sa report na nakarating sa DFA, umatake ang mga gunmen at bombers sa mga restaurants, bars, football stadium at concert hall sa Paris.
Sumugod ang mga lalaking may dalang AK-47 sa Bataclan concert hall sa silangang bahagi ng Paris at pinagbabaril ang daan-daang manonood ng concert kung saan sinasabing may 60 katao pa ang hinostage ng mga terorista.
Ayon sa mga nakasaksi, sumisigaw ng “Allahu akbar” (“God is the greatest”) ang mga armadong lalaki, at sinisisi ang military intervention ng France sa Syria habang pinapaulanan ng bala ang mga nanonood sa concert ng Amerikanong bandang Eagles of Death Metal.
Nabatid na pumasok ang mga kabataan na walang suot na mask at armado ng mga rifles sa Bataclan concert hall sa kasagsagan ng concert at walang habas na pinagbabaril ang mga tao doon.
Tatlo sa mga umatake ang nagpasabog ng suicide vests habang rumeresponde ang mga pulis, ayon sa iba’t ibang source. Isa pang suicide bomber ang nabaril ng mga pulis.
“There was blood everywhere, corpses everywhere. We heard screaming. Everyone was trying to flee,” ani Pierre Janaszak, isang radio presenter na dumalo sa concert at nagtago kasama ang iba pa.
“They had 20 hostages, and we could hear them talking with them,” dagdag pa ni Janaszak.
Tumagal umano ang pamamaril ng 10 minuto at tatlo o apat na beses nagkarga ng bala ang mga terorista.
Sa hilagang bahagi ng Paris, higit kumulang limang tao ang namatay sa tatlong pagsabog malapit sa Stade de France national stadium, kung saan naglalaro ang koponan ng France laban sa Germany sa isang football match.
Isa sa mga pagsabog ay mula sa isang suicide bomber, ayon sa mga pulis na nakasaksi sa pangyayari.
Base sa report, kasalukuyang dumadalo si French President Francois Hollande sa international soccer match kasama si German Foreign Minister Frank Walker Steinmeier nang maganap ang sunud-sunod na pagsabog sa labas ng national stadium.
Inatake rin ang isang Cambodian restaurant sa 10th District, Rue de Charome sa 11th District at Les Halles shopping at cinema complex ng capital.
“Terrorist attacks of an unprecedented level are underway across the Paris region,” ani Hollande sa isang televised na mensahe.
“It’s a horror,” dagdag pa niya.
Nagdeklara ng state of emergency sa buong bansa si Hollande, kasabay ng pagkakansela niya sa kanyang biyahe patungong Turkey para sa isang G20 summit.
Ipinasara rin nito ang border ng France upang mapigilan ang mga terorista na makatakas palabas ng nasabing bansa.
Binuksan din ang lahat ng emergency services sa rehiyon habang kinansela ng mga police leave at ang lahat ng mga medical staffs sa hospital ay pinapasok upang matugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng pagsabog at pag-atake.
Matatandaang nakaranas din ng pag-atake ang bansa noong Enero, nang sinugod ng dalawang armadong lalaki ang opisina ng Charlie Hebdo. Labing-dalawa katao, kabilang ang walong cartoonists at manunulat, at dalawang pulis, ang namatay sa pag-atake.
- Latest