Biyahe ng eroplano kinansela na rin
MANILA, Philippines - Kinansela na rin kahapon ang biyahe ng walong domestic flights sa bansa na apektado ng paghagupit ng bagyong Lando.
Sa ulat na tinanggap kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga kinanselang biyahe ng eroplano ay patungong Northern Luzon gayundin ang biyahe mula Manila patungong Mindanao.
Ang bagyong Lando ay inaasahang tatama sa Aurora sa linggo ng madaling araw kung saan ay naramdaman na ang mga malalakas na pagulan sa malaking bahagi ng Luzon.
Samantala, nasa 3,155 namang katao, 37 barko at iba pang mga pampasaherong sasakyang pandagat, pitong bangkang de motor ang stranded sa mga pantalan ng Bicol, Northeastern Luzon at Southern Tagalog Region dulot ng masamang lagay ng panahon.
Sa pinakahuling ulat, sinabi naman ni Lt. Col. Marlowe Patria, Commander ng 7th Relations Group ng AFP, sa Northern Luzon ay minobilisa na rin ang Disaster Response Task Groups na nakikipagkoordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Councils, PNP para sa humanitarian disaster response operations .
Nabatid na epektibo dakong alas-5 ng hapon nitong Sabado ay nagdeklara na rin ng red alert ang AFP-NOLCOM sa ilalim ng pamumuno ni Major Gen. Glorioso Miranda.
Kaugnay nito , gumamit na rin ng megaphone ang mga sundalong naglilibot kaugnay ng isinasagawang preemptive evacuation sa mga lugar na hahagupitin ng bagyong Lando sa Northern Luzon.
Nakahanda na rin ang mga ipamamahaging relief goods sa mga maapektuhang residente partikular na mula sa tanggapan ng Office of Civil Defense sa Pampanga at Aurora.
Kabilang dito ay 250 sako ng bigas at 100 sako ng mga pagkaing delata mula sa NOLCOM at nakaalerto na rin ang dalawang Huey helicopter sa Camp Aquino sa Tarlac.
Samantalang nakahanda na rin ang mga rubber boats na gagamitin sa rescue operations ng tropa ng mga sundalo.
- Latest