Bago magbitiw sina de Lima at Roxas hustisya sa SAF 44 giit ni Pagdilao
MANILA, Philippines – Umaasa si Anti-Crime and Terrorism through Community Involvement and Support (ACT-CIS) Party-list Rep. Samuel “Sir Tsip” Pagdilao na habang hindi pa tinatanggap ni Pangulong Aquino ang pagbibitiw ni DILG Sec. Mar Roxas ay maresolba nito ang mga nakabinbing mga isyu at kaso sa kanyang pinamumunuang departamento partikular ang SAF 44.
“Hindi dapat mawaglit sa ating mga isipan na noong ika-25 ng Enero, 44 na kasapi ng PNP Special Action Force ang walang-awang pinaslang sa isang engkwentro habang kumikilos ang mga ito sa isang opisyal na misyon na nakarating sa kaalaman ni PNoy. Isa lamang ito sa mga kasong nangangailangan ng resolusyon sa ilalim ng administrasyong Aquino, partikular na sa DILG sa ilalim ng pamumuno ni Roxas, na naging matunog sa mga headlines,” paalala ni Pagdilao.
Patuloy anya itong nagsisilbing hamon sa determinasyon ng pamahalaan na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng SAF44 at sa pagpapawalang-saysay sa pananaw na ang pagbuwis nila ng buhay ay inialay sa ngalan ng BBL at para maisalba ang usapan ng kapayapaan sa Mindanao.
Ang pagsulong ng kaso ay nakasalalay kay Roxas at kay Justice Secretary Leila de Lima.
Kinuwestyon ni Pagdilao kung ano na ang kahahantungan ng kaso ng SAF44 ngayong nakaamba na ang pagbibitiw ni Roxas bilang kalihim para sa pagtakbo nitong presidente sa halalan sa 2016.
“Habang papalapit na ang eleksyon, hindi umano dapat manaig ang pampulitikang interes sa pagtupad ng mga binitawang pangako na paghahatid ng hustisya para sa SAF44. Dagdag pa niya, ito ang naiwanang kaso na nangangailangan ng agarang aksyon mula sa administrasyong Aquino,” sabi pa ni Pagdilao na isa ring dating opisyal ng pulisya.
- Latest