3 nene nasagip sa prostitusyon
MANILA, Philippines - Tatlong nene ang nailigtas mula sa sexual exploitation sa magkahiwalay na grupo sa Maynila, inulat kahapon.
Arestado sa entrapment operation ang suspek na si Patrick Kelly Gabieta, 18 at residente ng Kahilum II, Pandacan, Maynila na nahaharap sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 na walang kaukulang piyansa.
Ayon kay Supt. Dennis Wagas, hepe ng District Legal Office ng Manila Police District, humingi ng police assistance ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa pambubugaw umano ng isang alyas Kelly sa kapwa niya dalagita sa Pedro Gil sa Malate, Maynila.
Sina IACAT agents Ramon Arvin yap II at Loreto Labramonte Jr. ang nagpanggap na kukuha ng mga dalagita na inilalako umano ng suspek sa tapat ng isang convenience store sa P. Gil dakong alas-8:45 ng gabi noong Marso 29, at nagkasundo na kukuha ng 3 babae.
Sa pamamagitan ng pagte-text ng suspek sa mga babaeng sex worker ay dumating ang mga ito na nakipagkita sa tapat ng Concordia College, hindi kalayuan sa nasabing tindahan.
Lingid sa kaalaman ng suspek ay nasa paligid lamang ang mga tauhan ni Supt. Wagas na dumakma sa suspek sa aktong tinanggap ang marked money na kabayaran sa mga babae.
Dinala sa MPD Women and Children Protection Desk para sa pagsasampa ng kaso habang ang mga nasagip na kabataang babae ay dinala sa bahay Silungan ng IACAT-DOJ sa Pasay City. (Ludy Bermudo)
- Latest