Gurong mawawalan ng trabaho magturo sa Senior HS - DepEd
MANILA, Philippines - Hinimok ni Education Secretary Armin Luistro ang mga gurong mawawalan ng trabaho bunsod nang pagpapatupad ng K-12 program na magturo muna ng senior high school sa taong 2016.
Ayon kay Luistro, hindi naman kinakailangang mawalan ng trabaho ang mga guro dahil maaari naman silang makaisa ng pamahalaan upang magtagumpay ang naturang programa sa pamamagitan nang pagtuturo sa senior high school na sisimulang ipatupad sa susunod na taon.
Inamin ni Luistro na ang pinakamalaking worst case scenario ay ang mawalan ng trabaho sa loob ng limang taon ang 39,000 guro at 14,000 non-teaching staff dahil sa kawalan ng mga estudyante na papasok sa 1st year college.
Pero nilinaw ni Luistro na “Sa K to 12, ‘yung mga guro sa unibersidad, pwedeng magturo sa senior high school.
Ipinaliwanag din ng Kalihim na sa pang-matagalan ay mangangailangan pa nga aniya sila ng mas maraming guro kumpara ngayon dahil sa patuloy na pagdami ng mga mag-aaral sa bansa.
Una nang sinabi ng DepEd na plano nilang mag-hire ng may 40,000 guro upang magturo sa public elementary at high school para sa School Year 2015-2016.
Layunin nitong makamit ang ‘ideal student-to-teacher ratio’ na 1-guro para sa 45-55 na mag-aaral sa isang classroom. (Mer Layson)
- Latest