^

Bansa

Dokumento sa masaker ilantad - Sen. Marcos ‘Cover up’ sa Mamasapano

Butch Quejada at Rudy Andal - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Nangangamba si Senator Ferdinand “Bong­bong” Marcos Jr. na magkaroon umano ng cover-up sa totoong nangyari sa pagkamatay ng 44 na tauhan ng PNP-Special Action Force sa isang engkuwentro sa mga rebelde sa Mamasapano, Maguindanao kamakailan.

Sa DZMM-teleradyo program ni dating Senador Joey Lina, sinabi ni Marcos na siya ring pinuno ng Senate Committee on Local Government na kaduda-duda umanong pinatatagal ng gobyerno ang pagprisinta ng mga dokumentong magbibigay-linaw sa pagkakamasaker sa mga tropa ng gobyerno.

Ilan sa mga dokumentong ito ang operational plan ng “Oplan Wolverine” na sinasabing operasyong isinagawa ng SAF para hulihin ang dalawang tero­ristang sina Zulkifli al hir alias “Marwan” at Basit Usman na miyembro ng Jemaah Islamiyah.

Laman aniya ng nasabing plano ang mga intelligence pocket kasama dito ang approval sheet na kung saan malalaman kung sino talaga ang naglatag ng plano, nagmaniobra at nag-utos sa mga SAF troopers na ituloy ang kanilang ope­rasyon.

Sinabi ni Marcos Jr. na hindi na kailangan pang halughugin ito sapagkat lantad ito sa liderato ng Sandatahang Lakas at lalo pa ng Palasyo.

Pinuna ng senador na, dalawang linggo na ang nagdaan mula nang maganap ang masaker, ni hindi man lang maipakita ng pamahalaan ang ope­rational plan ng Oplan Wolverine.

“Dapat sana unang pagputok pa lang ng istor­yang ito, pinakita na nila para naiwasan ang mga haka-haka,” ani Marcos Jr.

Malamang aniyang umaasa ang mga spin masters ng Palasyo na huhupa ang damdamin at negatibong pananaw ng taumbayan sa nangyari kung patatagalin ang presentasyon ng mga dokumentong ito.

Mainam din aniyang ipakita ang plano upang malaman kung sino sa dalawang opisyal ng PNP ang nagsasabi ng totoo hinggil sa kanilang partisipasyon at kinalaman hinggil sa isyung ito.

Makaraang magbitiw sa puwesto, sinabi ng suspendidong PNP Chief Alan Purisima na wala siyang kinalaman sa ope­rasyon. 

Taliwas naman ito sa naging pahayag noon pa man ni dating SAF commander Getulio Napeñas na tinatanggap nya ang utos at instruction mula mismo kay Purisima.

Malalaman aniya sa nasabing operational document kung sino ang lumagda at umayon upang ituloy ang operasyon na naging dahilan ng pagkamatay ng mga taga-SAF.

Inengganyo rin ni Marcos Jr. si Purisima na magpakita ng sinseridad at ipahayag ang tunay na dahilan bakit siya nagbitiw kung totoong wala naman pala siyang kinalaman tungkol sa operasyon.

“Sabi ni Napenas, kumukuha siya ng guidance mula kay Purisima. Pinabulaanan naman ni Purisima na mayroon siyang alam sa operasyon at siya ang nagbibigay utos. Sino ang nagsasabi ng totoo? At kung hindi si Purisima, sino ang nag-utos kay Napeñas na ituloy ang operasyon?” tanong ni Marcos.

Sa talumpati mismo ng Pangulong Aquino noong Biyernes, inamin nitong tatlong beses nagkaroon ng pagbabago sa plano. Sinisisi ng Pangulo ang dating SAF commander sapagkat sa kabila diumano ng mga pagbabago sa ground, itinuloy pa rin nito ang operasyon.

“Mabuting masolusyunan natin ang ganitong usapin sapagkat mayroong nagkamali rito at kailangang managot. Kung si Purisima ay totoong mayroong papel dito, sino ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihan samantalang suspindido siya? Ayon sa batas, kaya sinususpindi ang isang opisyales ay upang hindi niya magamit ang kanyang kapangyarihan sa organisasyong kanyang inaaniban. Kung totoo ring kumukuha ng direktiba si Napenas kay Purisima, bakit niya sinunod ga­yong alam niyang suspendido ang chief PNP? Sino ang nag-utos sa kanyang sundin ang mga order at direktiba ni Purisima?

Ang mga ganitong katanungan aniya ay dapat sanang nasagot noong una pa lamang upang hindi kumalat ang mga agam-agam at ispekulasyon na sanhi ngayon ng demoralisasyon at destabilisasyon sa gobyerno.

 

vuukle comment

BASIT USMAN

CHIEF ALAN PURISIMA

GETULIO NAPE

KUNG

MARCOS JR.

OPLAN WOLVERINE

PURISIMA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with