$5M reward ‘di mapupunta sa Fallen 44
MANILA, Philippines - Hindi umano mapupunta sa mga pamilya ng nasawing 44 Special Action Forces (SAF) troopers ang US$5 milyong reward na nakapatong sa ulo ni Jemaah Islamiyan (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan.
Nilinaw ng police attache sa Philippine Embassy sa Estados Unidos na si Sr. Supt. Jose Gentiles na mga civilian informant lang ang maaring tumanggap ng pabuya mula sa US government.
Hindi rin umano ito maaaring mapunta sa mga tauhan ng gobyerno tulad ng SAF, PNP o AFP na kasama sa operasyon laban sa international terrorist.
“Ang binibigyan po ng bounty are those who gave the information. It’s an incentive para po ma-speed up ‘yung pag-locate ng isang wanted person,” sabi ni Gentiles sa ABS-CBN news.
Nabatid na dalawa umanong miyembro ng MILF ang nagsilbing tipster ng mga awtoridad para matumbok ang kinaroroonan ni Marwan.
Ang nasabing 2 MILF members ang nagsilbing guide ng SAF commandos sa paglusob sa Brgy. Pidsandawan at Brgy. Tukanalipao sa Mamasapano, Maguindanao.
Si Marwan ay sinasabing napaslang sa bakbakan kung saan nagawang madala ng SAF survivors ang pinutol na ‘index finger’ nito para maisailalim sa DNA test ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Nang matanong naman si PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo, sinabi nito na hinihintay pa ng PNP ang opisyal na report kung sino ang mga masuwerteng tipster.
May sarili anyang mekanismo ang US sa pagbibigay ng reward at para ito sa masuwerteng tipster.
Bukod sa $5M reward ng US ay tatanggap rin ang tipster ng P7.4M reward sa makapagtuturo kay Marwan mula sa gobyerno at $2M para sa pinaghahanap pang si Abdul Basit Usman.
- Latest