Binay idinepensa ng Pag-IBIG chief
MANILA, Philippines - Itinanggi ni Pag-IBIG Fund President and CEO Atty. Darlene Marie Berberabe na inimpluwensiyahan ni Vice President Jejomar Binay ang ahensiya upang makuha ang kontrata ng OMNI Security Investigation and General Services Inc., na diumano’y pagmamay-ari ng bise presidente.
Sa ika-13 pagdinig ng Senate Blue ribbon sub-committee, sinabi ni Berberabe na hindi ginamit ni Binay ang kanyang posisyon at kapangyarihan bilang Chairman ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees para maipasok ang serbisyo ng OMNI.
“If the issue is whether the Honorable Vice President Jejomar C. Binay…used his power to get OMNI into Pag-IBIG, I categorically say no, this did not happen,” ani Berberabe.
Sinabi pa ni Berberabe na noong 2012 dinis-qualify nila ang OMNI sa bidding ng P193 milyon security service contract para sa 236 security guards para sa mga tanggapan nila sa NCR dahil na-late ang kompanya sa pagsusumite ng dokumento ng isang minuto lang.
Ang tanging kontrata lamang umano ng Pag-IBIG Fund sa Omni ay ang close-in security ni Berberabe kung saan mayroon siyang 3 bodyguards at tumatagal lamang ng 4 na buwan bawat kontrata na nagkakahalaga ng P420,000.
Sa nasabing pagdinig, inakusahan naman ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado si VP Binay na pinagkakitaan ang Boy Scouts of the Philippines (BSP) ng nasa P200 milyon.
Umabot umano sa limang porsiyento ang kinita ni Binay sa pinasok na kontrata ng BSP sa Alphaland at ginamit ang pera noong 2010 elections.
Ang 5 porsiyento umano ay bahagi ng 20% share na dapat matanggap ng BSP sa nasabing deal. Pero lumabas umano sa nalagdaang kasunduan na ang matatanggap lamang ng BSP ay 15 porsiyento dahil ang 5% ay mapupunta kay Binay at 85 porsiyento sa Alphaland.
Balak ipatawag sa susunod na pagdinig ang mga opisyal ng Alphaland.
- Latest