Taning sa ID ng taxi driver itinakda
MANILA, Philippines – Pagmumultahin na ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang sinumang taxi drivers na hindi magsasabit ng kanilang ID sa harapan ng taxi unit mula January 16.
Sa isang pulong-balitaan sa Quezon City, sinabi ni LTFRB Chairman Winston Gines na hanggang Enero 15 na lamang ang palugit na naibigay ng tanggapan sa mga operator ng taxi upang magbigay ng impormasyon ng pangalan ng kanilang drivers para maipasok sa data base ng ahensiya.
“Ang mag iisyu ng ID sa mga drivers ng taxi ay ang kanilang mga operator, isusumite lamang sa LTFRB ang pangalan ng kanilang drivers para ma-encode namin para naman sa kapakanan ng commuters,” paliwanag ni Gines.
Anya, P5,000 ang multa sa bawat driver na makikitang walang nakasabit na ID sa unahan ng taxi unit.
Sinasabing ang hakbang ay bahagi ng kampanya ng ahensiya para maiwasan ang mga report na may holdaper na taxi driver, nag e-spray ng pasahero para sa modus operandi at hindi magalang sa kanilang pasahero.
- Latest