DOTr: P2.5 bilyong fuel subsidy ikinakasa na

MANILA, Philippines — Inihahanda na ng Department of Transportation (DOTr) ang mga guidelines para sa gagawing pamamahagi ng P2.5 bilyong fuel subsidy na inilaan ng pamahalaan apektado ng problema sa suplay ng langis, bunsod ng tumitinding giyera sa pagitan ng Iran at Israel.
“May tulong na galing sa gobyerno. Naka-authorize na ‘yan, pine-prepare na yung guidelines para makuha nila agad-agad. P2.5 billion ang available sa atin ngayon. Malaki-laki ang hawak natin. Matatanggap nila yan,” ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, sa media interview.
Kaugnay nito, nanawagan si Dizon sa mga operator at mga transport group na huwag namang magprotesta lalo na at paparating na ang tulong na ipinag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr..
“‘Nananawagan ako sa mga operator natin, mga transport group, huwag naman magprotesta. May tutulong na parating, inutos ng Pangulo natin na immediately, ilabas ang fuel subsidy,” aniya pa.
Matatandaang noong Miyerkules, tiniyak ng Pang. Marcos sa publiko na magkakaloob sila ng fuel subsidy kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran.
Una nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na posibleng magkaroon ng oil price hike na mula P2.50 hanggang P4.80 ngayong linggong ito dahil sa naturang kaguluhan.
Iniaanunsiyo ng mga kumpanya ng langis ang oil price adjustment tuwing araw ng Lunes at ipinatutupad naman kinabukasan, araw ng Martes.
- Latest