Sagot ni VP Sara sa Articles of Impeachment inaabangan ngayon

MANILA, Philippines — Ngayong araw, Hunyo 23, Lunes ang deadline ng pagsusumite ni Vice President Sara Duterte ng sagot sa Articles of Impeachment laban sa kanya.
Sampung araw ang ibinigay na palugit kay Duterte na nagtapos sana noong Hunyo 21 pero pumatak ito sa araw ng Sabado kaya ang kanyang kampo ay puwedeng maghain ng tugon sa Senado bilang Impeachment Court ngayong Lunes.
Nauna rito, sinabi ni Impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol na hindi pa rin naghahain ng sagot si Duterte.
“Whether or not there is an answer, or whether or not there is an appearance pero walang sagot, patuloy pa rin po ‘yung proseso,” sabi ni Tongol.
Nauna na ring sinabi ni Tongol na tatawid sa 20th Congress ang impeachment proceedings laban kay Duterte.
Kaugnay nito, sinabi ni retired associate justice Antonio Carpio na mawawala ang karapatang sumagot ni Duterte sakaling piliin niyang hindi isumite ang kanyang tugon sa ipinalabas na summon ng Senate impeachment court nang magpulong ito noong Hunyo 10.
- Latest