Assets ni Olivar ilitin - UNA
MANILA, Philippines – Hinamon kahapon ng oposisyong United Nationalist Alliance (UNA) ang mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Sub-committee na irekomenda ang pagkumpiska sa mga kayamanan ni Ariel Olivar makaraang magsinungaling sa sinumpaang salaysay sa pagdinig at tangkaing manlinlang na isa umano siyang dummy ni Vice President Jejomar Binay.
“Makaraang matuklasan ang kaugnayan ni Olivar kay (dating Makati Vice Mayor Ernesto) Mercado, hinahamon namin ang Senate subcommittee at mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na kumpiskahin ang lahat ng mga kayamanan at ari-ariang nakapangalan kay Ariel Olivar. Ito ang patunay na hindi kay VP Binay ang mga properties na sinsabi ni Olivar. Gawin na nila ito kaagad,” sabi ni UNA interim president Toby Tiangco.
Sa kanyang affidavit na isinumite sa Senado, pinabulaanan ni Olivar na siya ang may-ari ng isang 150-square unit sa The Peak Condominium sa Makati.
Sinabi pa ni Olivar na siya lang ang nakarehistrong may-ari para pagtakpan ang totoong may-ari na ayon kay Mercado ay si Binay.
Pero, ayon kay Tiangco, si Mercado ang talagang nagmamay-ari sa condominium unit na iniuugnay sa Bise Presidente. Sa naturang condominium unit anya tumira ang dating live-in partner ni Mercado na si Racquel Ambrosio. Nabaril at napatay si Ambrosio nang mag-away sila umano ni Mercado noong Abril 24, 2002.
Kasabay nito, hinamon ni Tiangco ang komite na imbestigahan ang kuneksyon nina Mercado at Olivar na pumiprente sa dating vice mayor. Dapat anyang imbitahan ng panel si Olivar para ipabukas ang lahat ng mga ari-ariang nakapangalan dito.
“Si Ariel Olivar ay isang surveyor ng Freeway Surveying na merong opisina sa Kristine Building sa Makati. Si Mercado ang may-ari ng kumpanya,” dagdag ni Tiangco.
Nakalista rin umano si Olivar bilang board member ng Twinleaf Group Inc. na pag-aari ni Mercado.
Sa pamamagitan ng naturang kumpanya, nakuha umano ni Mercado ang mahigit P1 bilyong halaga ng mga infrastructure at ibang proyekto sa Makati noong siya pa ang vice mayor dito.
Nais rin ni Tiangco na hilingin ng Senado sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na magsagawa ng lifestyle check kay Mercado na merong sariling isla sa Palawan.
- Latest