Abu Sayyaf sugatang nagsisitakas sa Sulu
MANILA, Philippines - Sugatang nagsisitakas ang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) kaugnay sa inilunsad na airstrikes at ground assault operations ng tropa ng militar laban sa pinagkukutaan ng mga bandido sa lalawigan ng Sulu.
Ayon kay Rear Admiral Reynaldo Yoma, Commander ng Joint Task Force Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi (ZAMBASULTA), nakatanggap sila ng report na maraming mga sugatang Abu Sayyaf ang nagsipuslit na mula sa kabundukan.
Ang air strike at ground assault operations ay bahagi ng inilunsad na law enforcement operations ng tropa ng militar matapos na palayain na ng mga bandido ang hostage na mag-asawang Aleman na sina Stefan Viktor Okonek, 71 at Herike Diesen, 55 , noong Agosto 17.
Sa kasalukuyan, ayon naman kay Ensign Chester Ramos, Spokesman ng JTF ZAMBASULTA, patuloy ang isinasagawang ‘naval blockade’ sa karagatan ng Sulu upang mapigilan ang pagtakas ng Abu Sayyaf bitbit ang mga sugatan nilang kasamahan.
Ang lalawigan ng Sulu ay binubuo ng maraming maliliit na isla na posibleng pinagtagtaguan ng mga nagsitakas na mga sugatang bandido.
“According to reports there are so many bandits escaping with their wounded comrades in Sulu hinterlands”, ayon sa opisyal.
Sa kasalukuyan, ayon naman kay AFP Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Rustico Guerrero , tuluy-tuloy ang operasyon ng tropa ng militar upang lipulin ang nalalabi pang mga bandido sa lalawigan.
“Our troops are well motivated and determined to pursue these lawless groups in order to stop the atrocities brought about by these criminals. Hence, WESTMINCOM and the AFP in general are exerting all efforts to assist our law enforcers to expedite arrest of this group and put them behind bars,” ang sabi naman ni Guerrero.
- Latest