Senado nilinlang ng COA exec - UNA
MANILA, Philippines - Nilinlang umano ni Commission on Audit (COA) Commissioner Heidi Mendoza ang Senado at ang publiko nang hindi niya naipahayag sa pagdinig ng Senate sub-committee noong Huwebes na ibinasura na ng Sandiganbayan ang resulta ng auditing ng COA noong 2011.
Ayon kay Atty. Juan Carlos Mendoza, ang resolusyon ng Sandiganbayan ay pinagtibay ng Supreme Court noong 2012.
“Dapat sanang asahan sa isang mataas na opisyal na tulad ni Heidi Mendoza na maging matapat na aminin sa Senado na ang Audit Report sa kanyang testimonya ay hindi pinahalagahan ng Sandiganbayan,” sabi pa ni Atty. Mendoza.
Sinabi ng abogado na, sa resolusyong may petsang Abril 7, 2011, napatunayan ng Second Division ng Sandiganbayan na naging arbitrary ang audit procedures na isinagawa ng COA sa ilalim ni Mendoza.
Ito anya ang dahilan kaya dinismis ng anti-graft court ang kaso laban kay dating Makati Mayor Elenita S. Binay at iba pang miyembro ng Bids and Awards Committee.
Hinggil sa resulta ng pagsusuri sa Ospital ng Makati, sinabi ng abogado na tinaya na ito ng Ombudsman sa preliminary investigation at pinawalang-sala si Gng. Binay noong 2011.
Gayunman, ayon sa abogado, muling isinampa ng Ombudsman ang kaso noong 2014 na paglabag sa karapatan ni Gng. Binay sa ilalim ng Konstitusyon.
Ayon naman kay Atty. JV Bautista, interim secretary general ng United Nationalist Alliance (UNA), ang testimonya ni Mendoza ay malinaw na bahagi ng demolition job laban kay Vice President Jejomar Binay at pamilya nito.
“Merong malice sa bahagi ni Heidi Mendoza. Batid niyang ibinasura ng Sandiganbayan ang resulta ng kanyang audit pero ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang presentasyon. Malinaw na malinaw na kasabwat si Mendoza sa demolition job na ito dahil niloko n’ya ang taumbayan,” sabi pa ni Bautista.
- Latest