Abu Sayyaf pulbusin na – PNoy
MANILA, Philippines - Ipinag-utos ni Pangulong Aquino ang pagpulbos o paglipol sa nalalabi pang mga bandidong Abu Sayyaf Group na namumugad sa Mindanao.
Kinumpirma ni Defense Secretary Voltaire Gazmin ang direktiba na ipinalabas ni PNoy sa AFP bunsod ng tumitinding paghahasik ng terorismo ng Abu Sayyaf.
Sa kanilang huling mensahe, nagbanta ang ASG na pupugutan ng ulo ang isa sa mga bihag na mag-asawang Aleman na sina Stefan Victor Okonek, 71 at Herike Diesen, 55, kapag hindi naibigay ang P250M ransom. Gayundin kapag hindi umatras ang Germany sa strike operation na inilunsad ng Amerika kontra Islamic State of Iraq and Syria(ISIS).
“Ang order ng Pangulo ay once and for all ay stop the Abu Sayyaf operations, so we’re moving towards that direction, magkakaroon nga ng reshuffling of forces dun sa Sulu, so it will not be purely Marines ang nandiyan, it will be joint forces ng Marines at Philippine Army dun sa area,” pahayag ni Gazmin.
Nabatid na ang ‘prepositioning’ ng militar sa Sulu na kinaroroonan ng marami pang mga hostage ng Abu Sayyaf ay bahagi ng pagdurog sa nalalabi pang puwersa ng mga ito sa lalawigan.
Bukod sa kidnapping ay sangkot din ang mga bandido sa pamumugot ng ulo ng mga hostages na walang maibayad ng ransom, pambobomba at ambushcades.
Sa pagtaya ng militar, nasa 150 na lamang ang bilang ng ASG sa Sulu pero dahil sa recruitment ay tumataas ng bahagya ang puwersa ng mga ito.
- Latest