Death penalty idaan sa people’s initiative – VACC
MANILA, Philippines - Nais buhayin ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Dante Jimenez ang death penalty.
Ayon kay Jimenez, napapanahon na buhayin ang death penalty dahil na rin sa lumalalang krimen sa bansa. Batay anya sa kanilang datos, nag-triple ang bilang ng mga heinous crime o karumal-dumal na krimen simula nang ipatigil ang death penalty noong 2006.
Hindi rin naman anya bumilis ang pagpapanagot ng korte sa mga sangkot sa krimen.
Dahil una nang tinanggihan ng pamahalaan, partikular ni DILG Secretary Mar Roxas, isinulong ng VACC ang pagkakaroon ng people’s initiative para maibalik ang death penalty.
“We are thinking now of, kung maaayos itong people’s initiative, the people now should be the one to draft the law,” ani Jimenez.
Tila wala umanong ginagawang solusyon ang kapulisan at sa halip ay mas lalo pa itong lumalala hanggang sa hindi na rin nabibigyan ng hustiya ang mga biktima.
Una nang inilunsad ang people’s initiative para buwagin ang lahat ng uri ng pork barrel.
Sa ilalim ng people’s initiative, kailangan ng pirma ng 10% ng mga botante, kung saan may representasyon dapat ang 3% mula sa bawat congressional district, para makapagpetisyon sa Commission on Elections.
- Latest