Isyu sa China napapabayaan na
MANILA, Philippines - Napapabayaan na umano ng gobyerno ang territorial defense habang ang China ay walang tigil sa pagpapalakas ng presensiya sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang mga istraktura.
Kasabay nito nagbabala si Magdalo Rep. Ashley Acedillo sa matinding panganib na dulot ng nasabing bansa sa pananakop sa teritoryo ng Pilipinas.
Base umano sa aktibidad ng China, desidido itong gamitin ang kapangyarihang political, pang ekonomiya at militar para igiit ang pag-angkin sa malawak na bahagi ng West Philippine Sea.
Kung hindi umano ito maagapan ng bansa ay malaki ang mawawala sa mga Pinoy kasama ang tinatayang 1.748 bilyong dolyar na halaga ng oil deposits sa WPS at ang tinatayang 2.1 trilyon na halaga ng gas deposit dito.
Sa kasalukuyan, bilyun-bilyon umano ang nawawala sa bansa taun-taon dahil sa poaching, pagkasira ng corals at ilegal na pangingisda sa karagatan na hindi kayang protektahan ng gobyerno.
Iginiit ni Acedillo na panahon na para buhusan ng pondo ng pamahalaan ang territorial defense ng bansa.
- Latest