PNoy binulabog habang nagtatalumpati sa Iloilo
MANILA, Philippines - Muling binulabog ng mga militanteng estudyante si Pangulong Aquino matapos sigawan habang nagtatalumpati kahapon sa Iloilo City.
Nakalusot sa mahigpit na kordon ng pulisya ang apat na estudyante habang nagsasalita ang Pangulo sa inagurasyon ng Sen. Benigno Aquino Jr. Avenue sa lalawigan.
Napahinto ang Pangulo sa pagsasalita at agad namang dinampot ng pulisya ang mga estudyante at inilayo sa pagtitipon.
“Maraming salamat po sa kanila,” wika pa ng Pangulo kasunod ay palakpakan ng mga nanonood saka itinuloy ang talumpati ni PNoy.
Kasama ng Pangulo sa okasyon sina Senate President Franklin Drilon at DILG Sec. Mar Roxas.
Hindi ito ang unang pagkakataon na na-heckle ang Pangulo. Noong Hunyo 12, isa ring psychology student ng Ateneo de Naga na si Emmanuel Pio Mijares ang inaresto matapos na maglabas ng placard at magsisigaw sa talumpati ni PNoy sa Naga City. Nakalaya naman si Mijares matapos magpiyansa.
- Latest