1 pa sa 'Big 5' maaaresto - PNoy
MANILA, Philippines – Kumpiyansa si Pangulong Benigno Aquino III na may isa pang most wanted sa bansa ang madadakip kasunod nang pagkakahuli sa negosyateng si Delfin Lee.
"Palagay ko 'pag nagtagumpay ang isang kasalukuyang operasyon, mabibilib kayo doon sa kalibre ng mga nadakip at madadakip," wika ni Aquino ngayong Miyerkules.
"Palagay ko pwede kong ipangako sa inyo na magugulat kayo kung magtagumpay [ang operasyon],†Dagdag niya.
Tumanggi naman si Aquino na magbigay pa ng karagdagang detalye dahil aniya’y ayaw niyang malagay sa alanganin ang operasyon.
Nadakip ang may-ari ng Globe Asiatique Realty Holdings Corp na si Lee nitong Marso 6 na kasalukuyang nakakulong ngayon sa Pampanga.
Nahaharap sa kasong syndicated estafa ang negosyante dahil sa pamemeke ng Pag-Ibig Fund na aabot sa P7 bilyon gamit ang mga pekeng borrower at pekeng dokumento.
Kabilang si Lee sa “Big 5†na most wanted ng bansa na may nakapatong sa ulo na P2 milyon.
Samantala, nagtatago pa rin hanggang ngayong sina dating Army general Jovito Palparan; dating Palawan governor Joel Reyes at kapatid at Coron Mayor Mario Reyes; at Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo Jr., na pinuno ng Philippine Benevolent Missionaries Association.
Pinaghahahanap si Palparan dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention matapos dakpin ang mga estudyante ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2006.
Ang magkapatid na Reyes naman ang itinuturong pumatay sa broadcaster na si Gerry Ortega, habang kasong parricide naman ang kinakaharap ni Ecleo.
- Latest