Pinay kritikal sa missile attack ng Iran
MANILA, Philippines — Isang Pinay caregiver sa Israel ang nasa “kritikal” na kondisyon nitong Lunes, kasunod ng missile salvo mula sa Iran, ayon sa embahada.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola na na-monitor ng embahada ang walong “medical cases” ng mga Filipino matapos ang retaliatory strike ng Iran sa mga residential areas. Anim sa mga Pinoy ang nakalabas na sa ospital.
“Yung worry lang ho namin, isang particular na kaso po, yung isang kababayan natin na critical ang sitwasyon. Ito ho medyo binabantayan natin, tingnan ho natin kung makalipas siya ng araw na ito, medyo may chance na maipasok siya sa surgery,” sinabi ni Mendiola sa isang panayam sa radyo.
Sa isang Facebook post ng Philippine Embassy sa Israel noong Linggo ng gabi, ipinaalam na nasa kritikal na kondisyon ang Pinay sa Intensive Care Unit ng Shamir Medical Center.
Nagtamo ang biktima ng matinding pinsala sa kanyang puso at baga at nasa maselan itong kondisyon.
Isa pang 43-anyos na Pinay ang sumailalim sa emergency surgery at isang 44-anyos na lalaki ang nagtamo ng mga sugat sa kanyang braso at binti matapos tamaan ng missile ang kanilang tirahan noong Hunyo 15.
Humigit-kumulang 30,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Israel, karamihan ay mga caregivers, mga manggagawa sa industriya ng hotel, mga mag-aaral, at mga inhinyero, sabi ng ambassador.
Sinabi niya na mula noong Biyernes, hindi bababa sa 24 Pilipino ang nagpahayag ng kanilang layunin na mapauwi ngunit 13 lamang ang napagpasyahan na umuwi.
- Latest