Krisis sa Zambo tapos na
MANILA, Philippines - Idineklara kahapon ng Malacañang na tapos na ang krisis o kaguluhan sa Zamboanga City kung saan nagkasagupa ang tropa ng pamahalaan sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) laban sa Moro National Liberation Front (MNLF) Nur Misuari faction na nang-hostage ng maraming sibilyan sa ilang barangay sa lungsod.
Sa magkahiwalay na pahayag, kinumpirma nina Defense Secretary Voltaire Gazmin at Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na tapos na ang kaguluhan sa Zamboanga na tumagal ng nasa 20 araw.
Ipinagmalaki pa ni Valte na buhat ng magsimula ang kaguluhan ay tiniyak na nilang masosolusyunan ang sitwasyon at pangangalagaan ang kapakanan ng mga hostages.
Nawalan ng tirahan tutulungan
Tiniyak din ni Valte na may pondo ang gobyerno para tulungan ang mga mamamayan na nasunog o nasira ang tahanan dahil sa bakbakan.
Nauna ng inihayag ni Vice President Jejomar Binay na may halos P3.9 bilyon na ang ilalaan para sa pabahay ng mga naging biktima sa Zamboanga.
Inihayag din ni Valte na gumawa na ng hakbang ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga City upang hindi na maulit ang insidente ng pangmo-molestiya sa isang anim na taong gulang na bata ng mismong kamag-anak nito sa loob ng evacuation center.
Sa panig naman ni Defense Sec. Voltaire Gazmin ay nagsabi ring tapos na ang tatlong linggong krisis o giyera sa Zamboanga City.
Kahapon ng umaga ay pinayagan na nina Gazmin at ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas na mapasok ng media ang ‘restricted area’ sa Brgy. Sta. Catalina at Sta. Barbara na naging sentro ng huling sagupaan sa lungsod.
Inihayag ng opisyal na wala na ring hostage ang grupo ng MNLF fighters na naghasik ng karahasan sa lungsod.
100 bangkay narekober sa 2 Brgy.
Ayon naman kay Sec. Roxas, nakarekober ang tropa ng gobyerno ng halos 100 bangkay sa Brgy. Sta Catalina at Sta Barbara na ngayon ay isinasailalim sa forensic examination upang matukoy kung isa dito ay si Commander Habier Malik.
Si Malik ang namuno sa may 300 MNLF fighters na lumusob sa ilang coastal barangay sa Zamboanga City noong Setyembre 9 at nanghostages ng tinatayang may 200 hanggang 300 sibilyan.
Sinabi ni Roxas, nasa 195 na sibilyan ang na-rescue ng tropa ng pamahalaan at sa kasalukuyan ay wala na umanong hawak na bihag ang natitira pang MNLF.
218 ang nasawi, 256 sugatan
Sa panig naman ni AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala, sinabi nito na umaabot sa 218 ang nasawi sa bakbakan, kabilang dito ang 183 na napatay na MNLF fighters, 186 ang nadakip at 24 ang sumuko.
Sa government security forces naman ay 23 ang patay at 184 ang sugatan kabilang ang 18 nasawing sundalo, tatlo rito ay junior officers at ang 5 pulis. May kabuuan naman 12 sibilyan ang nasawi at 72 ang nasugatan.
Sa ngayon ay nagsasagawa na lamang ng clearing operation ang tropa ng pamahalaan dahil sa posibleng nag-iwan ng bomba ang mga nagsitakas na MNLF fighters.
Sinabi ni Zagala, ang operasyon sa kasalukuyan ay nakasentro sa tuluyan pag-alis ng banta ng karahasan bago iturnover sa pulisya ang pangangasiwa sa sitwasyon ng peace and order sa lugar .
Nakasamsam rin ang tropa ng gobyerno ng aabot sa 172 na iba’t-ibang uri ng armas mula sa Misuari faction.
Magugunita na una nang sinampahan ng pamahalaan ng kasong kriminal ang nasa 144 na miyembro at opisyal ng MNLF na sangkot sa siege habang inihahanda na rin ng Department of Justice ang pagsasama ng kasong rebelyon laban kay Nur Misuari.
- Latest