‘Sira sa Tubbataha Reef dapat panagutan ng Amerika’- PNoy
MANILA, Philippines - Mismong si Pangulong Benigno C. Aquino III ang tumiyak kahapon na pananagutin ang Amerika sa pinsalang idinulot sa Tubbataha Reef ng pagsadsad dito ng barko nitong panggiyera na USS Guardian na isang US minesweeper.
Ayon sa Pangulo, hindi sapat ang paghingi ng sorry ng Amerika lalo pa’t dapat ipaliwanag kung paano napunta ang nasabing barko sa protected area ng Pilipinas at kung papaano pumalpak ang navigation systems nito gayong itinuturing itong kabilang sa “most sophisticated sa mundo.
Bagaman at humingi na ng paumanhin si US Ambassador to the Philippines Harry Thomas, sinabi ng Pangulo na dapat sumunod sa batas ng Pilipinas ang mga pumapasok sa bansa.
“Excuse me, may nasira sa amin e. Ganoon na lang ba ‘yon? Ipinapakita nila na iginagalang nila tayo bilang isang soberanyang bansa at maingat sila sa ating damdamin. Pero hindi ito nangangahulugan na maaari silang lumabag sa ating mga batas,†sabi ng Pangulo sa isang panayam sa Davos, Switzerland.
Pero tiniyak ng Pangulo na magkakaroon muna ng imbestigasyon na pangungunahan ng Department of Transportation and Communication upang matiyak din kung gaano kalawak ang naging pinsala sa Tubbataha Reef.
Idinagdag ng Pangulo na dapat harapin ang lahat ng paglabag na ginawa ng nasabing barko nang pumasok ito sa protected area ng bansa.
“NIlabag nila ‘yan, merong mga kaparusahan. Kailangang harapin nila ang mga paglabag na iyan sa ating mahahalagang batas. Pero isa-isa. Gusto nating malaman kung bakit nangyari ito para hindi maulit sa hinaharap,†sabi pa ng Punong Ehekutibo na nagpahiwatig na ipinapakita sa pinsala ang dapat ipataw na multa.
Samantala, isang opisyal ng Philippine Navy ang nagsabing hindi sinasadya ng USS Guardian na sumadsad sa Tubbataha Reef umpisa pa noong Enero 17 ng madaling araw, ilang nawtikal na milya ang layo sa lalawigan ng Palawan.
Ginawa ni Philippine Navy Chief Vice Admiral Jose Luis Alano ang pahayag kahapon matapos ang kaliwa’t kanang paninisi ng mga kritiko sa USS Guardian na ikinasira ng mga coral reefs sa Tubbataha Reef.
“Nakakalungkot na insidente ito na walang sino mang may gusto. Ang mahalaga, sinisikap nang alisin ang barko sa Tubbataha Reef,†sabi pa ni Alano nang matanong sa pagpalya ng USS Guardian na patungo na sana sa Indonesia ng aksidente itong sumadsad sa Tubbataha Reef sa may Sulu Sea.
Kaugnay nito, tuluyan ng naalis ang lahat ng kargang langis ng USS Guardian kung saan nailipat ang aabot sa 15,000 galons ng diesel fuel sa Malaysian tugboat “Vos Apollo’ na tumutulong sa salvage operation.
Dahil dito, ayon sa Scene Commander ng salvage operations na si Rear Admiral Thomas Carney, maari nang masimulan ang pag-alis sa USS Guardian na sumadsad sa tinaguriang World Heritage na Tubbataha Reef.
- Latest