‘Dagdag-bawas’ ni VP Sara, imposible - Comelec

MANILA, Philippines — Nag-react ang Commission on Elections (Comelec) sa pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa posibleng dayaan o ‘dagdag-bawas’ na maaaring maganap sa May 12 elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, simula nang mag-umpisa ang paggamit ng automated elections sa bansa ay naging imposible nang maisagawa pa ang dagdag-bawas.
Madali na rin naman aniyang maberipika kung nabilang at na-transmit ang boto.
“Imposible ‘yung dagdag-bawas… Madali pong ma-verify kung ang boto ay nabilang at na-transmit sapagkat maliban sa printing of election returns, napapaskil sa labas ng presinto,” ani Garcia.
Bukod dito, may iba pa aniyang mga pamamaraan upang maberipika ang ballot counting.
Paliwanag ni Garcia, “Lahat ng ballot images sa bawat presinto ay ipapakita sa watchers, citizens’ arm, at meron ding random manual audit. Lahat ng citizens’ arm, maliban sa hard copies at mata-transmit sa kanilang servers, pwede rin nilang i-capture ‘yung QR code na naglalaman ng sumatutal na boto sa bawat presinto.”
Giit pa nya, “‘Yung agam-agam, again, wala pong basehan. Kahit nung 2010, walang nangyaring ganon.”
Nauna rito, sinabi ni VP Sara sa kanilang mga tagasuporta sa The Hague, Netherlands na nag-aalala ang kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte sa ‘dagdag-bawas’ na posibleng maganap sa nalalapit na eleksiyon.
- Latest