Pangulong Marcos: ‘Wag pahirapan commuters

Sa 3-araw na tigil-pasada
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensiya ng gobyero na tutukan ang kapakanan ng mga pasahero sa gitna ng tatlong araw na tigil-pasada ng grupong Manibela.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na ang direktiba ng Pangulo sa DOTr at ibang concerned agencies ay huwag pahirapan ang mga commuters.
Dahil dito kaya naglatag na aniya si DOTr Secretary Vince Dizon ng mga paraan tulad ng pagbibigay ng libreng sakay.
Bukod dito, nanawagan na rin aniya si Dizon sa pamunuan ng Manibela na makipag-usap muna sa kanya tungkol sa kanilang mga hinaing dahil hindi lang ang gobyerno ang maaring magkaroon ng impact sa gagawin nilang tigil-pasada kundi maging ang commuters.
Dapat aniyang alalahanin ng transport group na ang mga commuters ay inosente at nalalagay lamang sa gitna ng sitwasyon.
Sa pulong balitaan kahapon, nanawagan si Dizon sa grupo na itigil na ang strike at makipag-dayalogo sa kanila.
Umarangkada kahapon ang tatlong araw na tigil-pasada ng Manibela para tutulan ang Public Transport Modernization Program (PTMP) ng pamahalaan. Magtatagal ang transport strike hanggang sa Miyerkules, Marso 26, 2025.
Naging mapayapa naman ang tigil-pasada sa ibat ibang lugar sa Metro Manila.
- Latest