Banayo magsasampa ng libel case
MANILA, Philippines - Inihahanda na ni dating National Food Administration (NFA) chief Angelito Banayo ang kasong libel laban sa isang lider ng kooperatiba na nag-akusa sa kanya na nagkakaroon ng anomalya sa bidding process ng NFA at maging sa pagbibigay ng rice import permits.
Sa isang pahayag sinabi ni Banayo na nagdesisyon siyang maghain ng kasong libel kay Simeon Sioson dahil na rin sa walang basehan nitong mga akusasyon at sa ginawa nitong paninira sa repormang sinimulan niya sa NFA lalo na sa proseso ng bidding.
Nauna ng inakusahan ni Sioson si Banayo na pinapaboran ang ilang grupo ng mga kooperatiba sa pag-angkat ng bigas.
Sinabi pa ni Banayo na sa kanya umanong termino, nabawasan ang levels ng importasyon ng bigas mula 2.5 milyon metric tons noong 2010 sa ilalim ng nakaraang administrasyon sa 860,000 metric tons sa 2011 at 500,000 metric tons ngayong taon.
Nakatakda sanang dumalo kahapon si Banayo sa hearing ng Senate Committee on Agriculture and Food pero nagkaroon umano ito ng problema sa kanyang kalusugan.
Sa sulat na ipinadala ni Banayo kay Senator Francis Pangilinan, chairman ng komite, sinabi nito na sumailalim siya sa “invasive coronary procedure” noong nakaraang Huwebes, Disyemreb 13 sa Philippine Heart Center.
Pero tiniyak ni Banayo na nakahanda siyang dumalo sa susunod na hearing ng komite.
- Latest