Pinas mapanganib pa rin sa media - IPI
MANILA, Philippines - Kasabay ng paggunita kahapon ng Maguindanao massacre kung saan may mahigit 30 mediamen ang napatay, inianunsyo ng isang international press watchdog na nananatiling delikado o mapanganib ang Pilipinas para sa mga mamamahayag.
Tinukoy ng International Press Institute (IPI) na nakabase sa Vienna, isa pa rin ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na antas ng media killings.
Nabatid na umaabot sa 119 mediamen na ang napapatay ngayong taon lamang sa buong mundo. Ito na ang pinakamataas na “death toll” simula noong 1997 nang simulan ang pag-momonitor ng IPI sa mga media killings sa buong mundo.
Sa tala ng IPI, nangunguna ang Syria sa pinaka-mapanganib na bansa kung saan may 36 mediamen ang napapatay ngayong 2012.
Pumapangalawa ang Somalia na 16 media practitioners ang napatay.
Sa Latin America, may 22 journalist umano ang napaslang at mula sa Mexico, Brazil, Honduras at Colombia ay patuloy ang pagtaas ng bilang ng karahasan sa mga mamamahayag sa rehiyon. Pitong journa lists umano ang napatay sa Mexico, lima dito ang napaslang sa state ng Veracruz lamang.
Ang bilang ng mga reporters na napatay sa Mexico ay kasingtaas ng naitala na media killings sa Pilipinas at sa Pakistan.
Sa nasabing rehiyon, ang Brazil ang sumunod na pinaka-mapanganib na bansa kung saan may apat na journalist ang napatay na sinundan ng tatlong media killings sa Honduras at dalawa sa Colombia kabilang na ang isang mamamahayag na pinagbabaril sa Ecuador.
Sa obserbasyon ng nasabing press watchdog, ang mga mamamahayag ay tinatarget na likidahin o paslangin upang mapigil na magsiwalat ng mga anomalya at impormasyon.
- Latest