Comelec dinumog ng botante
MANILA, Philippines - Hindi lamang mga sementeryo, tindahan ng bulaklak at kandila ang dinagsa kahapon ng mga tao dahil lahat ng tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ay dinagsa din ng mga naghahabol para makapagparehistro sa huling araw, para makaboto sa May 2013 midterm elections.
Inulit naman ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. ang kaniyang mga naunang pahayag na hindi na bibigyan pa ng ekstensiyon ang mga nais magparehistro na hanggang kahapon at natapos ng alas 5:00 ng hapon.
Dahil sa dami nang nais pang magpatala, naniniwala si Brillantes na naabot at posibleng nalampasan pa nila ang kanilang target na 50 milyong botante para sa halalan sa susunod na taon.
Nilinaw naman ni Brillantes na sakaling lumampas sa 50 milyon ang mga registered voters ay ii-screen at ie-evaluate ang listahan ng Election Registration Board.
“Pero kung lumampas man after the deadline today (Oktubre 31), by November 15 dadaan pa ito sa proseso ng election board. Magtatanggal pa ho kami. Magtatanggal, itong mga new registrant, mga applications lang ho ito. These are all applications lang, it’s not the registration itself,” paliwanag ni Brillantes.
- Latest