Maliksi rumesbak kay Remulla
MANILA, Philippines - Anim na buwan bago ang eleksiyon ay uminit na ang tunggalian sa pulitika sa Cavite matapos resbakan at tawagin ni Imus Rep. Ireneo “Ayong” Maliksi na maruming taktika sa pulitika ang umano’y pagpapakalat sa media ni Gov. Jonvic Remulla sa umano’y katiwalian sa LRT extension Cavite-relocation project.
Sa pahayag ng kongresista, na naging gobernador din ng lalawigan mula Hulyo 2001 hanggang Hulyo 2010, tila sinadya umanong baluktutin ni Gov. Remulla ang tungkol sa proyekto ng relokasyon para sa mga maaapektuhang pamilya ng LRT extension sa Cavite dahil papalapit na ang paghusga ng taumbayan sa May 2013.
“Kapag gobernador ka na walang pakinabang ang mga mamamayan, tiyak na gagawa ka na lamang ng mga kasinungalingan upang siraan ang iyong katunggali at itago na rin ang iyong pagiging walang silbi,” sabi ni Rep. Maliksi kaugnay sa bintang na puno ng katiwalian ang P500 milyong LRT extension relocation project.
Naunang pinaratangan ni Gov. Remulla ng matinding overpricing ang proyektong pabahay para sa mga pamilyang maaapektuhan ng LRT extension project sa lalawigan. Ang umano’y P500 milyong pondo para sa relocation project sa ilalim ng panunungkulan noon ni Ayong ay nagluwal lang ng 186 units, na ang ibig sabihin ay P2.8 milyon ang halaga ng bawat bahay.
Sa kasalukuyan, may nakabinbing kaso sa Ombudsman laban sa Liberal Party gubernatorial bet na si Ayong hinggil sa isyu ng korapsyon umano sa naturang proyekto. Si Jonvic, na kandidato naman ng Nacionalista Party sa 2013 para sa ikalawang termino, ang pinaniniwalaan niyang nag-udyok sa nasabing reklamo.
“Sadyang hindi binanggit ni Jonvic na ang 186 units ay bahagi lang ng Phase 2 ng proyekto na kung saan ang iba pang pinagkagastusan ng initial funding na P500 milyon ay land acquisition, buwis at tenants disturbance compensation at iba pang bayarin sa pagsasaayos ng titulo, site development, perimeter fence, drainage system, access road grading, main water system at iba pang incidental cost ng naturang relocation project,” pagdidetalye ni Rep. Maliksi.
Sabi pa ng kongresista, may malisya ang bintang ni Gov. Remulla na bawat bahay sa relocation site ay nagkakahalaga ng P2.8 milyon dahil obyus umanong inililigaw ng gobernador ang paniniwala ng publiko hinggil sa totoo at actual cost ng bawat yunit na umaabot lang ng P201,100.
“Kung hindi tayo bibili ng lupa, eh, saan natin itatayo ang dalawang libong bahay na isinasaad sa Memorandum of Agreement ng probinsiya at ng LRTA? At kung hindi natin ipade-develop ang nasabing lugar, paano ito maging livable o habitable sa libong pamilya na ililikas doon? Tanong ng kongresista, na nagsabi ring lahat ng disbursement sa nasabing relocation project sa General Trias sa lalawigang ito ay pumasa sa lahat at tamang proseso ng batas.
Sinabi rin ni Rep. Maliksi na ang pagpapagawa ng nalalabi pang 1,814 units para sa kabuuang 2,000 na bahay ay bahagi ng Phase 3 ng nasabing proyekto na ang karagdagang pondong P500 milyon ay hindi pa naire-release ng LRTA.
Kinastigo rin ng kongresista si Gov. Remulla sa umano’y pagsisinungaling nitong halos dalawang libong pamilya ang nawalan ng tirahan para sa LRT extension at sa pahayag nitong iligal at mali ang ginawang pagbili ng lupa para sa relokasyon kaya tumutol umano ang Commission on Audit.
Wala pa anyang kahit isang pamilya ang nawalan ng tirahan sapagkat hindi pa tapos ang proyekto at wala pang pamilyang inaalis sa kanilang tahanan.
“Mismong ang naunang mga tumutol na kagawad ng COA sa regional office ang bumawi sa kanilang notice of disallowance matapos maging klaro sa kanila na walang mali sa nasabing transaksiyon,” pahayag pa ni Rep. Maliksi.
- Latest