Gusot sa Cyber law repasuhin!
MANILA, Philippines - Nanawagan si Cagayan Rep. Juan “Jack” C. Ponce Enrile, Jr. (First District) sa kanyang mga kapwa mambabatas gayundin sa publiko na magtulungan upang “maplantsa” ang kontrobersyal na Cybercrime Prevention Act of 2012 kasunod ng pagpapalabas ng Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) hinggil sa naturang batas.
Sinabi rin ni Enrile na mas marapat na ihinto na ang mga pag-iingay at paghahati-hati na mga debate sa RA 10175 o ang Cybercrime Law at mas mainam na talakayin ang mga dapat repasuhin para sa ikabubuti ng sambayanan.
Pinuri rin ng Cagayan solon ang mga justices ng SC sa desisyon ng mga ito upang proteksyunan at ma-preserba ang ating karapatan sa malayang paghahayag at paglalabas ng mga saloobin.
Anya, ang paglalabas ng TRO ang pinaka-magandang panahon upang seryosong matalakay at maisaayos ang naturang batas sa halip na magbangayan ukol dito.
Pinuri rin ni Enrile ang gobyerno sa pagpapahintulot sa publiko na ihayag ang kanilang mga saloobin hinggil sa kontrobersyal na batas na aniya ay malayang nakapagsagawa ng mga kilos protesta na hindi binuwag ang kanilang mga hanay ng mga awtoridad.
- Latest
- Trending