Media kailangan ng representasyon sa Kongreso
MANILA, Philippines - Hayagang idineklara ng National Press Club na kailangan nito ng representante sa lehislatura upang maisulong ang kapakanan ng malayang pamamahayag na kasalu-kuyang nanganganib sa ating bansa.
Ito ang naging pahayag ni NPC President Benny Antiporda bilang panawagan sa Commission on Elections na irekonsidera ang desisyon nitong pagtutol sa paglahok ng partidong Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa darating na 2013 midterm elections.
Labis na nangangamba ang NPC sa sitwasyon ngayon sa usaping malayang pamamahayag sa bansa kung saan walang humpay ang nagaganap na pagpatay sa mga mamamahayag na hanggang sa kasalukuyan ay hindi mabigyan ng katarungan.
Kaugnay nito, nangangamba rin ang NPC sa ilang sunod na paglabas ng mga bagong batas na maituturing na kikitil sa malayang pamamahayag.
Una nang tinangkang ipasa ang Data Privacy Act na naglalalaman ng mga probisyong haharang sa pagkuha ng impormasyon ng mga mamamahayag ang mga data provider na may mga kaukulang parusang multa at pagkakakulong.
Mabilis naman itong hinarang ng NPC at naipasok ang ‘Sotto Law’ sa nasabing panukala na nagsasabing hindi maaaring idemanda ang mga media sa ngalan ng malayang pamamahayag.
Ngunit napalusutan ang sambayanan matapos na lagdaan ni Pangulong Aquino ang Cybercrime Prevention Law of 2012 na malinaw na kikitil sa malayang pamamahayag sa cyberspace kung saan dinoble pa sa nasabing batas ang sentensiya ng kasong libelo, mula prision correctional (6 na buwan at isang araw hanggang 6 na taon) ay ginawa itong prision mayor (6 na taon at isang araw hanggang 12 taon).
- Latest
- Trending