Outdoor field trips ibabawal na ng DepEd
MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ngayon ng Department of Education (DepEd) ang pagbabawal sa mga paaralan na magsagawa ng outdoor field trips upang maiwasan ang mga aksidente.
Ito’y kasunod nang pagkalunod ng dalawang international school students sa isang waterfalls sa Subic, Bataan kamakailan.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali, batay sa Department Order 52 series of 2003, hinihikayat lamang ng ahensiya ang mga educational field trips sa mga lugar tulad ng museums, science fairs at exhibits, at iba pang historical sites.
Nauna rito, nagtungo umano ang grupo ng mga estudyante mula sa Cebu International School sa Sitio Canauan para sa isang outreach program.
Nagkatuwaan umanong mag-swimming ang mga ito matapos ang tanghalian ngunit pagkaraan ang ilang oras ay nawala ang apat sa kanila.
Nailigtas ang dalawa sa mga estudyante ngunit sinawing-palad na malunod ang dalawa pa na nakilalang sina Jae Hak Jun, 14-anyos at si Kyle David Gullas Weckman, 13, apo ni dating Cebu Cong. Dodong Gullas.
Dakong 3:20 ng hapon ng Miyerkules nang marekober ang bangkay ni Jun habang 8:00 na ng umaga ng Huwebes nang matagpuan ang bangkay ni Weckman.
Tiniyak naman ni Umali na masusi na nilang iniimbestigahan ang insidente at pinag-aaralan na rin kung pananagutin ang paaralan ng mga biktima dahil sa umano’y kapabayaan.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Umali ang mga paaralan na ang mga outdoor trips ay hindi compulsory dahil mayroon umanong mga estudyante ang walang sapat na pera para sa mga naturang gastusin.
- Latest
- Trending