Quarantine officials sa NAIA pumalag sa sulat ng Malacañang
MANILA, Philippines - Kasalukuyang nagkakagulo ang mga opisyal ng Quarantine na nakatalaga sa terminal ng Ninoy Aquino International Airport dahil sa isang liham ng Economic Cluster ng Malacañang sa ilalim ni Finance Secretary Cesar Purisima na humihikayat sa Department of Agriculture na magpatupad ng tatlong oras na work duty shift shop.
Sinabi ni Dr. Simeon Amurao, head supervisor ng Quarantine services sa NAIA, nakatanggap sila ng fax message ng Malacañang economic cluster na nagtatagubilin sa kanila na magsagawa ng tatlong duty shift at itigil ang pagsingil ng overtime duty charges sa mga kumpanya ng eroplano.
Nauna rito, nagpalabas ng direktiba si Purisima na nagpapahinto sa matagal nang praktis na pagbayarin ang mga airline sa overtime pay ng mga tauhan ng Customs, Immigration at Quarantine (CIQ) at nagpapatupad ng tatlong work-duty shifts sa lahat ng pantalan at paliparan.
Isinagawa ang hakbang para masolusyunan ang problema sa pagsingil ng overtime pay sa mga airline o kumpanya ng eroplano.
Ipinaliwanag ni Amurao na kulang ng tauhan ang Quarantine section kapag ipinatupad ang tatlong shift sa trabaho.
“Wala kaming pananagutan kapag merong nakapasok na epidemya sa bansa dahil sa ganitong patakaran,” sabi pa ni Amurao.
Kinondena rin ng mga opisyal ng Customs ang bagong patakaran dahil wala silang ekstrang mga empleyado para imantini ang pamantayan sa trabaho sa tatlong shift work schedule.
Sinabi pa ng opisyal na mangangailangan sila ng 350 dagdag na bagong recruit na handang magtrabaho nang walang overtime pay.
“Saan namin kukunin ang sahod para sa 350 customs examiners gayong hindi ito kasama sa 2012 budget?” sabi pa nila.
- Latest
- Trending