16 tipster tumanggap ng P27.5-milyon reward
MANILA, Philippines - Instant millionaire ang pito sa labing-anim na masuwerteng tipster na nagsilbing susi sa pagkakaaresto at pagkakapatay sa limang lider at anim na miyembro ng mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) at limang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na naghahasik ng terorismo sa bansa.
Sa isang simpleng seremonya kahapon sa AFP Headquarters, isa-isang ini-award nina AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen Reynaldo Mapagu at AFP Deputy Chief for Intelligence (J2) Chief Major General Francisco ang kabuuang P27.5-M halaga ng reward sa ilang masusuwerteng tipster.
Kabilang sa mga tumanggap ng reward ay ang nagturo sa pagkakalipol sa wanted na lider ng ASG na si Commander Albader Parad na may P7.4-M reward; tipster ng mga Sub-leader ng Abu Sayyaf na sina Ustadz Muhaimin Ismael Lapit at Abdulla Ajijul; pawang may tig P 3.3-M reward.
Nabiyayaan naman ng P350,000.00 ang nagturo sa isa pang Sub–leader ng Abu Sayyaf na si Hasirul Baliyung. Ang mga nabanggit na lider ng Abu Sayyaf ay pawang may kasong kidnapping with serious illegal detention.
Nagkamit rin ng pabuya ang mga sibilyang tipster na nagsilbing susi sa pagkakalipol ng mga pinuno ng MILF rogue elements na sina Commander Nabel Pantaran at Special Operations Group (SOG) members na si Camarodin Hadji Ali na may P1.2-M reward. Ang mga informer nina SOG member Ustadz Abdulbayan Guimblang at Badrudin Dalungan ay kapwa naman nakatanggap ng tig P600,000.00 pabuya.
Gayundin ang tipster ng napatay na si MILF rouge SOG member Baguir Maliga Sampao na napaslang sa combat operation ay binigyan naman ng P350,000 reward. Ang mga ito ay may standing warrant of arrest sa mga kasong murder, frustrated at attempted murder, arson at kidnapping and serious illegal detention.
Samantalang masuwerte ring nagawaran ng reward ang mga tipster ng mga nasakoteng sina Commander Tirso Alcantara at Maria Luisa Purcray na may P2.6-M reward, Cirila Estrada P1.3-M; Gelina Villanueva P1.2-M habang nasa P55,000 naman ang iginawad sa informer ni Gerry Esquivel. Ang mga ito ay may mga kasong murder, multiple murder, frustrated at attempted murder, kidnapping at damage to government property.
Sinabi ni Mapagu na malaki ang naitulong ng reward system sa patuloy na tinatamong tagumpay ng kampanya ng pamahalaan kontra terorismo.
“We are grateful to all the informants who played an important part in assisting the AFP in tracking down and neutralizing key-leaders, sub-leaders and members of these armed threats,” ayon naman sa mensahe ni AFP Chief of Staff Gen. Jessie Dellosa sa isang press statement.
- Latest
- Trending