Pasahero ng bus pinag-iingat!
MANILA, Philippines - Pinag-iingat ang mga pasahero ng bus, partikular na ang mga kababaihan, laban sa Totnak Squad, isang grupo na kumukuha ng mga litrato at video ng mga babaeng pasahero habang binobosohan o hinihipuan ang mga ito.
Isang 17-taong gulang na anak ng isang manunulat ang humingi ng tulong sa NBI-National Capital Region (NBI-NCR) cyber crime division sa pamamagitan ni Regional Director Atty. George Jularbal at Rosaline Chiong ng violence against women and children division, matapos ang tangkang pambabastos sa kanya ng nasabing grupo.
Kumukuha umano ang mga miyembro ng Totnak Squad ng “sexually oriented” na mga litrato at video ng mga babaeng sumasakay sa bus sa pagitan ng 6 ng umaga hanggang 12 ng tanghali at 4 ng hapon hanggang 6 ng gabi. Pagkatapos ay nilalagay nila ang litrato/video sa kanilang Facebook page at nagbibigay ng premyo sa mga miyembrong makakapagsabi kung sino ang mga babae sa larawan/video.
Sinabi ng 17-anyos na nagreklamo na suwerteng nakalipat siya kaagad ng upuan malapit sa dryaber kaya hindi siya nakuhanan ng magandang litrato ng grupo.
Ang Totnak Squad ay gaya-gaya sa isang Japanese sex group na ganito rin ang ginagawa sa mga biktima.
Ayon sa FB page nito, ang komunidad umano ay binubuo ng mga “totnakers” na mahilig mag-explore lagpas sa limitasyon ng kanilang Facebook account at makahanap ng kakaiba at bagong ipopost. Ang misyon raw nito ay magbahagi ng maraming “treasure files.”
Sinulat ng Totnak Squad Administrator, na ang tawag sa sarili ay “Skilled,” na ang pahina ay nilikha upang buksan ang isipan sa seksuwal na mundo.
Nagkaroon ng trauma ang biktima kaya minabuti ng kanyang ama na lumapit sa awtoridad upang imbestigahan ang modus operandi ng grupong ito.
- Latest
- Trending