Tambak na uling sa North Harbor, isang 'time bomb'
MANILA, Philippines - “Accident waiting to happen.”
Ito umano ang nakaambang panganib ng mga mamamayan ng Maynila, partikular ang mga malalapit na komunidad sa North Harbor at Manila Bay dahil sa gabundok na mga uling o coal na nakatambak ngayon sa mga stockyard ng Harbour Center Port Terminal at Manila Harbor Center.
Ayon kay Agham Party List Rep. Angelo Palmones, ang santambak na uling sa North Harbor ay paglabag umano sa karapatang pang-konstitusyon ng tao para sa isang balanse at malusog na ekolohiya o kalikasan. Wala ring trapal o cover ang nasabing mga uling kaya may panganib ng ash fly na masama sa kalusugan ng mga tao lalo na ng mga bata.
Ito rin aniya ay pagkontra sa “writ of continuing mandamus” na inilabas ng Korte Suprema para sa rehabilitasyon at proteksyon sa karagatan ng Manila Bay.
Nanawagan na ang Agham party list sa DENR para halungkatin kung bakit pinayagan ang operasyon nito kahit labag sa environmental laws ng bansa at maglabas ng isang cease and desist order para maiwasan ang higit pang pagkasira ng Manila Bay.
Maging ang Philippine Ports Authority sa ilalim ni Kalihim Mar Roxas na may hurisdiksyon sa mga daungan sa bansa ay kinalampag na para mag-imbestiga at mag-inspeksyon kung bakit pinapayagan sa napakatagal ng panahon ang ganitong operasyon ng walang safety nets.
At dahil fire hazard umano ang nasabing stockpile ng uling ay dapat itong siyasatin ni DILG Sec. Jesse Robredo bilang Chief Fire Marshall dahil nga sa panganib ng spontaneous combustion lalo ngayong tag-ulan.
Maging ang Department of Energy ay sinulatan para matukoy kung tumutupad ba ang trader sa regulasyon sa stockpiling at handling ng uling at kung ito ay bayad sa kaukulang mga buwis.
Inabisuhan na rin ang City of Manila sa malaking trahedya na maaaring maganap kung hindi maaagapan ang problemang ito.
- Latest
- Trending