Ecleo inalis na sa Kamara
Manila, Philippines - Tuluyan nang inalis ng liderato ng Kamara si Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo Jr., bilang miyembro ng Kongreso dahil sa malaking posibilidad na maaprubahan ang hatol sa kanya sa kasong graft sa Supreme Court (SC).
Ayon kay Speaker Sonny Belmonte Jr., nilagdaan niya ang isang kautusan kay House Secretary General Marilyn Yap para alisin na ang pangalan ni Ecleo bilang miyembro ng 15th Congress.
Epektibo ang kautusan noon pang Mayo 31 kung saan simula Hunyo 4 ay hindi na kasama ang pangalan ni Ecleo sa roll call ng mga mambabatas.
Sinabi naman ni House Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II na hindi na kailangan pa ng plenary action para sa pagtanggal ng pangalan ni Ecleo dahil sapat na ang nilagdaang kautusan ni Belmonte.
Matatandaan na nahatulan si Ecleo ng 18-31 taong pagkakakulong sa tatlong bilang ng graft noong Oktubre 13, 2006 kaugnay sa fund disbursement para sa tatlong construction projects sa ilalim ng kanyang termino bilang dating municipal mayor ng San Jose, Surigao del Norte mual 1991 hanggang 1994.
Hinikayat naman ng kapwa mambabatas si Ecleo na sumuko na matapos mapatunayan na nagkasala sa kasong parricide noong Abril 13, 2012 dahil sa pagpatay sa asawang si Alona, may 10 taon na ang nakalilipas.
- Latest
- Trending