Bilanggo sa NBP 'kabado' sa P229M bidding
MANILA, Philippines - Kabado ang mga bilanggo sa Maximum Security Compound sa National Bilibid Prisons sa (NBP) lunsod ng Muntinlupa kung sino ang mapalad na bidder na mananalo sa tumataginting na P229 milyong catering services ngayong taon para sa mga presong nakakulong sa naturang bilangguan.
Ito ay sa harap na rin ng mga umuugong na balitang napapaboran sa proseso ng bidding ang isang Chinese bidder na sinasabing siya umanong may hawak sa catering services ng Medium Security Compound, Davao Penal Colony at Iwahig Penal Colony.
Hindi naman makapagbigay ng kongkretong detalye sa media ang Bids and Awards Committee (BAC) ng ahensiya kung bukod sa Mang Kiko Catering Services ay ilan pa ang sumali sa bidding.
Maging Si Bucor Director Gaudencio Pangilinan ay hindi pa rin nagbibigay ng pahayag kaugnay sa naturang bidding kaya’t hinihinala ng mga grupong nakabantay sa naturang aktibidad na ito ay pinaglilihiman ng mga opisyal ng ahensiya na kanya nang inabutan.
Si Pangilinan ay halos wala pang isang taon na nanunungkulan bilang pinuno ng Bucor.
IIang ulit na nabago ang petsa ng pre-bidding sa nabanggit na kontrata pero base sa website ng Government Electronic Procurement Services ay isasagawa ito sa Mayo 28 subalit hanggang sa ngayon ay wala pang opisyal na pabatid ang BAC ng Bucor.
Umaasa naman ang mga preso na maitutuwid na ng mananalong bidder ang naging kapalpakan sa mga unang catering contracts na nakopo sa NBP.
- Latest
- Trending