'Fetus pills' nasa Pinas na
MANILA, Philippines - Pinapakumpiska ng isang mambabatas sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang lahat ng produkto ng bansang China tulad ng sex energy enhancing, slimming at skin whitening na umano’y naglalaman ng pinulbos na fetus na inilagay sa mga kapsula.
Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, lubhang nakakabahala ang ulat ng BBC News na nakakumpiska ang Korean authorities sa Inchon airport ng mga “baby dead pills” na pinapalabas uma nong “miracle pills” at nakakagamot daw sa maraming uri ng sakit at ang placenta ay nakakapagpalakas ng katawan ng tao.
Sa pagdinig naman kahapon ng Quality Affordable Medicine Oversight Committee sa Senado, ipinakita ni Sen. Manny Villar sa mga resource persons ang video ng footage ng ulat mula sa South Korea kaugnay sa mga nakumpiskang “deadly baby pills”.
Ang mga abortion clinic umano at hospital sa China ang nagsu-supply ng mga patay na fetus sa mga drug companies.
Ayon sa ulat, dinudurog at pinupulbos umano ang mga pinatuyong fetus na inihahalo sa herbs upang palabasin na ito ang tunay na sangkap ng pills.
Tinanong ni Villar si Dr. Suzette Lazo, director ng Food and Drug Administration (FDA), kung totoong nakakagamot ang “deadly baby pills”.
Ayon kay Lazo, posibleng may mga taong naniniwala rito pero wala itong scientific na basehan.
Nagbabala rin Lazo sa mga gumagamit ng mga slimming coffee dahil ayon umano sa kanilang pagsusuri naglalaman ng “dangerous drugs” ang mga nasuri niyang kape na sinasabing nagpapapayat daw.
Nanawagan na sina Villar at Evardone sa Bureau of Food and Drugs (BFAD) na kumpiskahin ang lahat ng mga katulad na produkto na karamihan umanong ibinibenta sa gray market at mga Chinese stores.
- Latest
- Trending