Ban sa importasyon ng bawang pinalagan
MANILA, Philippines - Magreresulta umano sa kakapusan ng suplay ng bawang at lalong paglobo ng presyo nito sa pamilihan ang inilabas na “temporary ban” ng Bureau of Plants Industry (BPI) sa importasyon ng bawang.
Sa pulong-balitaan sa Pasay City, sinabi ni ret. Commodore Ismael Appari, convenor ng Kilusan ng Mamimiling Pilipino Laban sa Kahirapan (Kampilan), pinalagan ng grupo ang memorandum ni BPI Director Clarito Barron ukol sa “temporary suspension on the issuance of SPS Import Clearance for garlic” ng walang konsultasyon at walang eksaktong petsang sakop.
Paglabag umano ito sa Republic Act 8178 (Agricultural Tariffication Act) na nagpawalang-bisa sa RA 1296 na unang nagbabawal sa importasyon ng bawang, patatas, sibuyas at maging repolyo.
Maaari umanong pag-ugatan ito ng korapsyon dahil sa inaasahang pagdami ng mga illegal importer o mga “smuggler” na magpapalusot ng bawang sa bansa sa inaasahang pagkakaroon ng kakapusan ng suplay.
Kapag nagtuluy-tuloy ang pagbabawal sa importasyon, sinabi ni Appari na lalong tataas ang presyo ng bawang sa bansa dahil sa inaasahang “hoarding” ng mga “traders o middleman” na siyang bumibili ng mga aning produkto ng mga magsasaka. Maaari umanong iimbak ng mahabang panahon ng mga traders ang mga produkto at gawing unti-unti ang pagpapalabas nito sa pamilihan upang lalong lumobo ang presyo.
Sa ganitong senaryo, lalo umanong masasaktan ang mga magsasaka sa kawalan ng importasyon dahil sa lalong magsasamantala ang mga traders sa kanilang kalagayan. Habang kung may importasyon, mababalanse ng mga pumapasok na produkto ang presyo kaya mapipilitan ang mga traders na ilabas ang kanilang nakaimbak na produkto kaysa sa tuluyang mabulok.
- Latest
- Trending