SALN ng mga kongresista inilantad
MANILA, Philippines - Matapos na mapaulat na pahirapan ang pagkuha ng kopya ng Statement of Assets Liabilities and Net worth (SALN) ng mga mambabatas, napilitan na ang Kamara na ilabas ang SALN ng mga kongresista noong 2011.
Sa inilabas na listahan ng Public Relation and Information Bureau (PRIB), lumalabas pa rin na pinakamayamang miyembro ng Kamara si Sarangani Rep. Manny Pacquiao na may net worth na P1.35 bilyon noong 2011 mula sa P1.13 bilyon noong 2010.
Sinundan naman ito ni Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na may net worth P932.8 milyon, sumunod si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na P726 milyon, Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez na may P686.1 milyon.
Si Negros Occidental Rep. Julio Ledesma IV naman ay mayroong P555 milyon, Leyte Rep. Martin Romualdez, P474 milyon at Iloilo Rep. Augusto Syjuco, P302 milyon.
Nabawasan naman ang networth ni dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na mula sa P140.2 milyon noong 2010 ay naging P131.6 milyon na lamang.
Pinakamahirap naman sa mga kongresista si Anakpawis party list Rep. Rafael Mariano na mula sa P75,711 noong 2010 ay naging P46,946 na lamang ito ng 2011.
- Latest
- Trending
















