Libel sa internet muling isinulong ni Villar
MANILA, Philippines - Dahil bahagi na rin ng pamumuhay ng mga mamamayan ang electronic media, muling iginiit ni Senator Manny Villar na panahon na upang magkaroon ng batas na magpaparusa sa mga naninira sa internet katulad ng Facebook, Twitter, o blogs na tatawaging E-Libel o “Electronic libel”.
Nais ni Villar sa kaniyang Senate Bill 2668 na kasalukuyang nasa Senate Committees on Public Information and Mass Media at Constitutional Amendments, Revision of Codes and Laws na amiyendahan ang Article 355 ng Revised Penal Code upang maisama sa batas ang “E-libel” o paninira sa pamamagitan ng internet.
Sabi ni Villar, bagaman at napakaraming pakinabang ang nakukuha sa internet partikular sa mga nakatira sa mga malalayong lugar sa bansa, nagdulot din naman ito ng panibagong mga problema.
Napuna ni Villar ang pagdami ng mga “unscrupulous individuals” na naninira sa pamamagitan ng electronic medias na hindi naman maaaring parusahan dahil hindi pa kasama sa libel ang internet.
Panahon na aniya para magkaroon ng batas na magpaparusa sa mga naninira sa internet at iba pang kahalintulad na media.
Nais ni Villar na baguhin ang Article 355 ng Revised Penal Code at isama ang mga katagang “electronic media such as but not limited to the internet”.
- Latest
- Trending