P8.50 pasahe sa jeep ibalik!
MANILA, Philippines - Pinababalik ng transport group na Pasang Masda sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa dating P8.50 ang minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep nationwide.
Sinabi ni Obet Martin, national President ng Pasang Masda na noong nagbaba ang halaga ng gasolina, may dalawang taong nakararaan ay ibinaba nila sa P8.00 ang minimum fare sa jeep mula sa dating P8.50 para sa kapakanan ng mga pasahero. Pero ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel ay dapat nang maibalik ang P8.50 minimum fare.
“Sa susunod kapag bumaba ang presyo ng gasolina at diesel ay hindi na kami magbibigay daan na maibaba ang singil sa pasahe ..eh ngayong tumaas na ang presyo ng gasolina at diesel ayaw na nilang ibaba e,“ pahayag ni Martin.
Sinabi rin ni Martin na temporary relief lamang ang pantawid pasada sa mga tsuper dahil naglalaman lamang ito ng P1,500 na pang isang araw lamang na karga ng diesel sa jeep at ito ay one time lamang.
Kaugnay nito, nanawagan si Martin sa mga kongresista na bigyang daan ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law dahil ito ang ugat ng patuloy na oil price hike.
Sa Marso 8 takdang dinggin ng LTFRB ang fare hike petition ng ilang transport group na nagsampa ng taas pasahe na P1.00.
- Latest
- Trending















