Pinoy na may 'lifestyle disease' dumarami
MANILA, Philippines - Nais ni Senator Manny Villar na imbestigahan ng Senate Committee on Health and Demography ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng tinatawag na “lifestyle disease” na nagiging sanhi ng maaga nilang pagkamatay.
Sa resolusyong inihain ni Villar, sinabi nitong dapat masilip kung ano ang ginagawa ng gobyerno upang labanan ang ‘lifestyle diseases’ ng mga Pinoy.
Ayon umano sa National Nutrition and Health Survey (NNHeS), nasa 44 milyong Filipino na ang obese, hypertensive, dyslipidemic, diabetic at sobrang manigarilyo kayat nanganganib sila sa mga sakit tulad ng hypertension, high fasting blood sugar (FBS) at high cholesterol na kalimitang pinagmumulan ng mga komplikasyon sa cardiovascular disease at diabetes.
Sinabi ni Villar sa kaniyang resolusyon na ang sobrang pag-inom, paninigarilyo, kawalan ng eherhisyo, kawalan ng healthy diet ang pangkaraniwang pinagmumulan ng iba’t-ibang karamdaman dahil sa estilo ng kanilang pamumuhay.
Lumabas naman umano sa datos ng Food and Nutrition Research Institute-Department of Science and Technology (FNRI-DOST), isa sa bawat apat na Filipino ay may hypertension o high blood pressure.
Ang mga taong may high blood ay mga kandidato umano sa cardiovascular disease.
Karaniwan naman umanong nagkakaroon ng anemia, cancer, cirrhosis, dementia, depression, gout, nerve damage, pancreatitis at iba pa ang mga taong mahilig uminom ng alak.
Hindi aniya dapat ipagwalang-bahala ng gobyerno ang problemang ito bagkus ay dapat gumawa ng hakbang para mapigilan ang paglobo ng mga Pinoy na nagkakaroon ng sakit dahil sa maling uri ng pamumuhay o lifesyle.
- Latest
- Trending