Imbestigasyon ng BIR kay Corona nagsimula na
MANILA, Philippines - Hindi lamang ang impeachment trial sa Senado ang kinakaharap ngayon ni impeached Chief Justice Renato Corona kundi maging ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kaugnay sa bintang na hindi pagbabayad ng tamang buwis ng kaniyang pamilya.
Kinumpirma kahapon ni BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares sa ika-12 araw ng impeachment trial na sinimulan na ng BIR ang imbestigasyon laban kay Corona kaugnay sa kaniyang income tax returns mula 1992 hanggang 2010.
Ipinaalam naman umano ng BIR kay Corona ang isinasagawang imbestigasyon laban sa kaniya sa pamamagitan ng ipinadalang notice.
“There’s a letter of authority notice that we sent (kay Corona) telling him that certain revenue officers are auditing his income tax returns,” sabi ni Henares.
Kinumpirma rin ni Henares na nagsimula lamang ang kanilang imbestigasyon noong huling linggo ng Enero matapos siyang tumestigo sa impeachment court at malaman ang discrepancies sa ITRs ng chief justice at sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN) nito.
Nang kuwestiyunin ni dating Supreme Court associate justice Serafin Cuevas, lead counsel ni Corona ang isinasagawang imbestigasyon ng BIR, sinabi ni Henares na bahagi ng kanilang trabaho ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga hinihinalang hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Sinabi rin ni Henares na inasahan sa kanila ng publiko ang pagtupad sa kanilang tungkulin kaysa sa naman maakusahan siya na natutulog sa kaniyang trabaho.
- Latest
- Trending