Gazmin bibili ng modernong gamit ng AFP sa Italy
MANILA, Philippines - Upang mapalakas pa ang depensa sa banta sa pambansang seguridad, tumulak na sa Italy si Defense Secretary Voltaire Gazmin kasama ang team ng mga evaluators kaugnay ng pagbili ng mga modernong kagamitan para sa capability upgrade program ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Defense Spokesman Dr. Peter Paul Galvez, lumagda si Gazmin sa ‘implementing arrangement ‘ sa Italian counterpart nito na si Defense Minister Giampaolo Di Paola para sa procurement ng mga kagamitang pandigma .
“This arrangement will help expedite the procurement from the Italian defense industry suppliers with the help of our counterparts at the Italian Ministry of Defense,” ani Gazmin sa isang press statement na ipinalabas ng tanggapan nito.
Sinabi ni Galvez na kabilang sa mga kagamitang pandigma na ipraprayoridad ay ang mga jet fighters,barko, mga tangke , makabagong mga armas at iba pa na pagpipilian ng mga ito sa 20 kumpanyang pag-aari ng pamahalaan ng Italya at maging sa mga pribado.
Gayundin ang mga coast watch system radar, multi role combat aircraft at long range patrol aircraft.
“We constantly seek ways for the improvement of our capability to address the threats we face, including disasters and other non-conventional threats to national security,” ayon pa sa pahayag ng Kalihim.
Maliban sa Italya, maghahanap rin ng mga kagamitang pandigma na maaring mabili ng bansa sina Gazmin sa US, France, Spain, United Kingdom at South Korea bilang mga potensyal na suppliers sa AFP capability upgrade program.
Nabatid pa na P70 bilyon ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa pagbili ng mga makabagong kagamitang pangdepensa na sasakop sa mga programa hanggang 2020 o maging sa panahon ng iba ng liderato sa gobyerno.
- Latest
- Trending