Paglikas ng mga Pinoy sa Iraq ikinakasa
MANILA, Philippines - Nakatakdang tumulak patungong Iraq ang mga opisyales ng Department of Foreign Affairs upang magsagawa ng pagtaya sa kasalukuyang sitwasyon doon at tiyakin ang seguridad ng natitira pang Pinoy matapos lisanin ng US troops ang naturang bansa sanhi ng muling pagsiklab ng karahasan sa nasabing rehiyon.
Makikipagpulong ang grupo ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario kay Iraqi Foreign Affairs Minister Hoshyar Zebari sa Baghdad upang hilingin na tiyakin ang seguridad ng mga Pinoy sa Iraq.
Sinabi ni del Rosario na inaasahan na nila ang pagtaas ng karahasan sa Iraq matapos ang US forces pullout subalit hindi pa naman umano ito nagiging matindi.
Sa report, may 29 insidente ng bakbakan sa loob ng 15 araw mula Enero 1-15, 2012, may 14 dito ang naganap sa Baghdad.
May 4,000 Pinoy na nagtatrabaho sa mga military camps ang nabigyan ng seguridad matapos ang US troop pull out noong Disyembre 18, 2011.
“After the US pull out, the challenge is to find out how many Filipinos are left, where they are, and the quality of their security. We believe that their security may have become questionable and we may need to take them out of harm’s way,” sabi ng Kalihim.
Matapos ang kanilang gagawing assessment, posible umanong magbaba ng crisis alert ang DFA na nag-aatas sa natitira pang mga Pinoy na lumikas sa Iraq.
- Latest
- Trending