New witness haharap
MANILA, Philippines - May mga bago pang testigo ang prosekusyon na ihaharap sa Martes kaugnay sa mga ari-arian na hindi umano isinama sa Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ni impeached Chief Justice Renato Corona.
Inatasan na ni Senate President Juan Ponce Enrile ang lahat ng mga napadalhan ng subpoena na magtungo sa Senado sa Martes ng umaga upang makausap ng prosekusyon bago sila isalang sa pagbabalik ng impeachment trial na magsisimula dakong alas-2 ng hapon.
Kabilang sa mga inaasahang haharap sa susunod na hearing ng impeachment court si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commisioner Kim Jacinto-Henares kung saan isisiwalat niya ang income tax returns ni Corona at ng kaniyang pamilya.
Inaasahang hihimayin din sa impeachment court ang lahat ng ari-arian ni Corona mula ng pumasok siya sa gobyerno noong 1992.
Sisilipin din ang biglang pag-triple ng kayamanan ni Corona na mula 1992 hanggang 2002 ay halos hindi nagbabago at nakapako sa P7.5M pero agad umanong na-triple ng pumasok sa Supreme Court.
Nauna ng pinatunayan ni Atty. Randy Rutaquio ng register of deeds ng Taguig City sa pinakahuling hearing ng impeachment court na nakabili si Corona ng isang condominium unit sa Bellagio Towers na nagkakahalaga ng P14.5M.
Inaasahang ihaharap sa mga susunod na pagdinig ang city assessors ng Makati City, Parañaque City at Pasay City.
- Latest
- Trending