Term sharing nina Lagman, Suarez malalaman ngayon
MANILA, Philippines - Magkaka-alaman na ngayong araw kung mananatiling lider ng Minorya sa Kamara si Albay Rep. Edcel Lagman o papalitan na ito ni Quezon Rep. Danilo Suarez.
Subalit hindi pa man naiaanunsyo ang resulta na inaasahang ihahayag mamayang hapon, sinabi ni Lagman na bigo raw si Suarez na makuha ang suporta ng mga kaalyado sa oposisyon.
Ayon kay Lagman, kinakailangan ni Suarez na makakumbinse ng 15 miyembro ng Minorya bago masungkit ang inaasam na leadership.
Subalit anim na boto lamang daw ang nakalap ni Suarez matapos dumalo sa isang caucus sa Manila Golf and Country Club noong Sabado.
Kumpiyansa naman si Lagman na mananatili pa rin siyang pinuno ng oposisyon lalo’t pirmado raw ng mayorya ng kanilang grupo ang kaniyang resolusyong “To Maintain Rep. Edcel Lagman as Minority Leader.”
Muli namang iginiit ni Lagman na walang napagkasunduang ‘term sharing’ sa pagitan nila ni Suarez at sa halip, ang napag-usapan ay limitado lamang sa ‘speakership.’
- Latest
- Trending


















